Wala nang pagpapatumpik-tumpik. Kailangang simulan agad at lumahok tayong lahat sa Metro-wide earthquake drill bilang paghahanda sa posibleng matinding lindol na tataguriang ‘The Big One’. At hindi lamang sa Metro Manila o National Capital Region (NCR) dapat isagawa ang naturang earthquake drill kundi sa buong kapuluan na maaaring yanigin ng lindol at pinsalain ng iba pang uri ng kalamidad.
Ang sinasabing ‘The Big One’ ay maaaring sinlakas ng lindol na nanalasa sa Nepal kamakailan. Batay ito sa mga mapa na pinalabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa Valley Fault Systems (VFS) na matatagpuan sa ibabaw o sa malapit sa earthquake fault. Kinapapalooban ito ng dalawang bahagi: East Valley Fault (EVF) na bumabagtas sa lalawigan ng Rizal; at ang West Valley Fault (WVF) na tumatagos naman sa Bulacan, NCR, Cavite at Laguna. Ang EVF ay maaaring lumikha ng magnitude 6.2 earthquake samantalang ang WVF ay magnitude 7.2 na halos sinlakas ng magnitude 7.8 na yumanig sa Nepal.
Isipin na lamang na tulad ng pahayag ng Phivolcs, ang magnitude 7.2 earthquake ay maaaring maging dahilan ng kamatayan ng mula 31,000 hanggang 33,000 katao. Ito ang pangunahing dahilan ng paglahok natin sa napipinto at talagang dapat isagawang earthquake drill. Maaaring ang babalang ito ay nakakikilabot, subalit ito ay sapat nang dahilan upang mapaghandaan natin ang posibleng matinding panganib na idudulot ng ‘The Big One’ at ng iba pang malalaking kapahamakan.
Maging aral na sa atin ang super-typhoon Yolanda na dumaluhong sa Visayas at ang malakas na lindol na yumanig sa Bohol na pumatay rin ng marami nating mga kababayan. Ginulantang tayo ng mga kalamidad na hindi natin gaanong napaghandaan.
Totoo na ang mga kalamidad na likha ng kalikasan ay bigla na lamang dumarating sa atin. Tulad ito ng isang magnanakaw kung gabi, wika nga. Subalit mapahihina natin ang epekto nito sa pamamagitan ng paghahanda hindi lamang kung may mga earthquake, fire, at typhoon drills o sa pagdating ng ‘The Big One’ kundi sa lahat ng sandali.
Source: Balita galing sa BALITA