Dahil sa tsaa at bibingka-naghuramentado!

Sumambulat ang kaliwang dibdib at nasawi matapos masapul ng bala ng sumpak ang isang 76-anyos na ginang habang dalawa katao pa ang nasugatan matapos maghuramentado ang isang lalaking lasing na nabigo umanong makahirit ng mainit na tsaa at nadismaya sa sukat ng itinitindang bibingka ng isang pamilya sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay na sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Patricia Casimiro y Estrada, may-asawa at nakatira sa BLC 2, Rawis Compound, Sta. Fe, Tondo.

Putok naman ang ulo ni Manolo R. Solidum, Ex-O ng Barangay 118, Zone 9, District 1 at residente ng San Roque, Tondo habang nadaplisan naman ng sumambulat na bala ng sumpak ang kamay ni Nestor Acbangin, 41, taga-Chesa St., Tondo.

Samantala, nadakip ang suspek na nakilalang si Rommel L. Sumera, 40, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa 26 Tambis St., Tondo. Narekober kay Sumera ang isang tubo na bahagi umano ng homemade shotgun o sumpak, isang itak at isang 12 gauge na bala.

Batay sa pagsisiyasat ni PO3 Rowel Candelario ng Manila Police District-Station 1, pasado alas-nuwebe ng gabi ng mangyari ang insidente sa Chesa St., malapit sa Model Community, Tondo.

Nabatid na walang kinalaman ang nasawing si Casimiro sa sumiklab na kaguluhan gayundin si Acbangin habang si Bgy. Ex-O Solidum ay nagtangka lamang umanong pumigil sa suspek na nagwawala at nagpapaputok ng sumpak. Nagbabantay umano sa kanyang sari-sari store si Casimiro nang matamaan ng bala at si Acbangin naman ay sumilip lamang para mag-usyoso.

Sinasabing ang ilang mga miyembro ng pamilya Quirabu na nangangasiwa ng tindahan ng bibingka ang nakabangayan at nakabangga ni Sumera.
Ayon kay Jerica Quirabu, 17, 4th year high school student at taga-Block 2, Lot 7 Model Community, Tondo, nagbabantay siya sa kanilang tindahan nang lumapit ang suspek at humirit ng mainit na tsaa pero hindi niya pinansin dahil amoy alak umano ito.

Nangulit umano ang suspek at kinukutya ang panindang bibingka ng pamilya Quirabu. “Ang liit-liit daw po ng tinda namin at sinabihan pa kami na sa kanila ay tatlo hanggang apat na mahahabang puto-bumbong kada presyong P25.00. Umalis po siya pero pagbalik po niya ay inihagis niya ang sampung piso para ipamukha sa amin na may pera po siya at hindi daw siya nang-iinsulto,” ani Jerica.

Sinita na umano ng bayaw ni Jerica (na nakilala sa pangalang Jeffrey) si Sumera at bunsod nito ay nagkaroon na ng pagtatalo hanggang sa tuluyan ng nagpang-abot ang dalawa.

Nagkaroon din umano ng habulan hanggang sa pansamantalang lumayo ang suspek pero pagresbak nito ay armado na ng sumpak at itak at walang habas na nagpaputok.

Naawat lamang umano ang suspek nang pagtulungan na itong dakmain ng taumbayan at ng mga barangay tanod.
Samantala, aminado naman ang suspek na nabuwisit siya dahilan sa napakaliit umano ng sukat ng itinitindang bibingka ng pamilya Quirabu.

Source: Abante Tonight